Bilang isang laking Baguio, ang palaging ipinagtataka ay “Ano kaya ang pakiramdam magin turista sa Baguio?” Dahil sa kahit anong buwan, mula Enero hanggang Disyembre ay may makikita at makikitang bisitang naglilibot sa Session Road, Burnham Park at iba pang tourist destination sa Baguio. Iniisip kung ano bang nang-aakit sa mga tao, bakit nga ba sila palaging nagbabakasyon dito. Sa pagtanaw sa paligid, makikita mo na agad kung ano nga ba ang pinuntahan nila dito–ang kulturang yumayapos dito sa lugar ng Baguio. Napagtanto na may mga bagay kang hindi mararanasan sa ibang lugar kundi lamang dito sa Baguio. Unang una, kaya mas pipiliin ang lugar na ito dahil sa klima nitong napakalamig kumpara sa ibang lugar sa Pilipinas. Ito ang pinaka-unang nagbigay ng pagiging natatangi ng Baguio ay dahil sa hindi mapantayang lamig. Ito ang pinaka-mapagtitiisan kung halos nararamdaman mo na ang siklab ng init kapag Junyo na. Dito rin sa Baguio ang lugar kung saan kapag tag-ulan ay malulugod ka dahil sa kalinaw na naiibibigay ng tunog ng ulan sa pag-patak ng bubong, ang lamig at malagihay na hangin ay nakakakalma sa damdaming nagraragasa tulad ng ulan at hangin na dumarating tuwing Agosto hanggang Setyembre.
Isa din sa nakaka-iwan ng marka sa mga puso ng bumibisita dito ay ang mabuting pakikitungo at mainit na pagtanggap ng mga tao dito. Ang kabaitan, ang pagiging matulungin ng mga taga-Baguio ay isa sa mga hinding hindi makakalimutang karanasan.
Ang pasko sa Baguio ay isa din sa hindi mo papalipasin na karanasan dahil hindi lang sa malamig na simoy na hangin ngunit pati na rin sa pag-gunita dito ng Lantern Parade sa umpisa ng buwan ng Disyembre at mas mararamdaman mo ang pasko dahil sa dami ng ilaw sa mga ilaw na nakahilera sa Session Road, sa mga nakasabit na ilaw din sa mga puno sa Lake Drive o kaya ay sa Rose Garden sa Burnham Park. Sa pag-ilaw ng Christmas tree at mga streetlight sa ika-1 ng Disyembre ay ang umpisa ng pagiging mabalaghan ng siyudad ng Baguio sa bawat taon.
Hindi rin nawawalan ng kababalaghan ang siyudad ng Baguio dahil mayroon din ang itinuturing na lugar ng kilabot tulad ng Diplomat Hotel at White House na kung saan mararamdaman mo talaga ang mga katakot-takot na nakaraan at pinagdaanan ng mga lugar na iyon.
Mararamdaman ang kultura sa buong Baguio, saan ka man lumingon. Mararamdaman mo din ang kasaysayan ng Baguio at iba’t ibang ala-ala ng mga taong bumisita at naninirahan dito.
